Aklan News
Mayor Bautista sa mga establisment owner sa Boracay na hindi pa rin naka-konekta sa sewerage system: “I warn you”
BINALAAN ni Malay Mayor Frolibar Bautista ang mga establishment owner na hindi pa rin naka-konekta sa sewerage system sa isla ng Boracay.
Ito ang isa sa mga binigyan-diin ng alkalde sa kanyang mensahe kasabay ng flag raising ceremony ng LGU sa Balabag Boracay Island nitong Lunes.
Ayon pa sa alkalde mahaharap ang mga ito sa paglabag sa RA 9275 o The Philippine Clean Water Act of 2004.
“I warned you. Itong mga establishments natin na hindi pa rin naka-connect sa sewerage system… na they are connecting pa rin sa drainage system natin you will be charge of violation of RA 9275 o The Philippine Clean Water Act of 2004,” pahayag ng alkalde.
“Warning, pag-nahuli yan, alam niyo ba kung magkano ang penalties… P300,000,” dagdag pa nito.
Kaugnay nito, inihayag ni Bautista na bumili na ang lokal na pamahalaan ng underground penetrating machine upang ma-detect kung mayroon pang mga establisiyemento na nagbaaon ng mga tubo papuntang dagat o kung mayroon pa aniyang mga tubong naka-konekta sa mga drainage system papuntang Bolabog beach.
“Bumili na kami ng underground penetrating machine para i-detect natin kung sino pa o kung mayroon pang establishment na nagbabaon ng mga tubo papuntang dagat or even yung mga tubong nagco-connect doon sa mga drainage system na papuntang sa Bolabog beach natin.”
Matatandaang ipinasara ang isla ng Boracay noong 2018 matapos na tawaging ‘cesspool’ ni dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa problema nito sa sewerage system.