Connect with us

Aklan News

MAYOR LACHICA: PAGSUSUOT NG FACE SHIELD, HINDI NA GAGAWING MANDATORY SA BAYAN NG KALIBO

Published

on

Photo Courtesy| Unsplash

Hindi na mandatory ang pagsusuot ng faceshield sa bayan ng Kalibo.

Ayon kay Kalibo Mayor Emerson Lachica isa ito sa kanilang mga napag-usapan sa isinagawang Municipal Inter-Agency Task Force meeting nitong araw ng Biyernes, Nobyembre 5.

Pahayag pa ng alkalde na hindi na pinipilit ang mga taong magsuot ng faceshield kundi boluntaryo na lamang ang pagsusuot nito.

Subalit ayon kay Mayor Lachica, dapat na panatilihin pa rin ang social distancing at pagsusuot ng facemask.

Kasabay ng pagluluwag ng restriction sa probinsiya ng Aklan, kung saan maaari nang makalabas ang mga menor-de-edad basta’t may kasamang magulang, pinaalalahan din ng alkalde ang mga ito na siguraduhing magsuot din ng facemask ang mga bata upang masiguro pa rin ang kanilang kaligtasan at maiwasang mahawa ng COVID-19 virus kapag lalabas.

Samantala, inaasahan naman ang pagdagsa ng mga tao sa Kalibo Pastrana Park sa darating na Disyembre 1 sa pagbubukas ng “Iwag it Kalibonhon sa Mahayag na Paaeabuton” kasabay ng pagpapa-ilaw ng giant Christmas tree.

Sa kabilang banda, ipinahayag naman ni Mayor Lachica na pinapahintulutan na ang pagsasakay ng apat na pasahero sa mga traysikel batay na rin sa ipinalabas na advisory ng Aklan Provincial Government.

Bukod dito ay mas pina-ikli na rin ang curfew hours sa alas-11:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng medaling araw samantalang mas pinalawig naman ang business hours simula alas 6:00 ng umaga hanggang alas-10:00 ng gabi upang mabigyan ng pagkakataon ang mga negosyante na makabawi dahil sa epekto ng pandemya sa lalawigan ng Aklan.