Aklan News
Menor de edad na pinasok ang isang tindahan, huli sa akto ng may-ari
Huling-huli sa akto ang isang menor de edad habang kinukuha ang mga barya na kita sa loob ng isang tindahan sa bahagi ng Diversion Road, Brgy. Tigayon, Kalibo, madaling-araw nitong Huwebes.
Napag-alaman na 17-anyos na suspek ang mismong pumasok sa tindahan habang may kasama pa itong 22-anyos na nagsilbing look out nito sa labas.
Batay sa panayam ng Radyo Todo sa may-ari na si Jodelyn Magsipoc, alas 11:30 umano kagabi ay nagsara na sila ng tindahan kung saan ay nakabili pa rito ang mga lalaking suspek.
Pagsapit ng madaling-araw araw ay may nagtatawag umano sa labas ngunit hindi na nila ito binuksan at sumilip lang ang kanyang mister at nakita ang dalawang lalaki.
Habang sinusubaybayan umano ng mister ang mga ito ay biglang may tumunog sa loob ng tindahan at tumambad sa kanya ang menor de edad na kinukuha ang mga natitira nilang kita na nasa higit P200 at 5 kaha ng sigarilyo.
Agad na itong hinuli ng mister habang ang 22-anyos na kasabwat nito ay nanatiling nasa labas at lumapit lang nang madakip na ang kasama.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng mga otoridad ang dalawa at inerefer din ang kaso sa WCPD ng Kalibo PNP.