Aklan News
MENOR DE EDAD NA RIDER NG MOTORSIKLO, NAHULOG SA KANAL, PATAY


Binawian ng buhay sa ospital pasado alas-7:00 kagabi ang isang 16-anyos na binatilyo matapos aksidenteng mahulog sa kanal ang minamaneho nitong motorsiklo.
Ayon sa Lezo PNP, nangyari ang askidente sa Carugdog, Lezo pasado alas 9:00 ng umaga.
Base sa imbistigasyon ng pulisya, nasa impluwensiya ng alak ang biktima matapos makipag-inuman sa Calangcang, Makato, kung saan pinahiram umano ito ng motorsiklo pauwi ng kanyang kaibigan.
Pag-uwi ng biktima, sinasabing dumiretso umano ito sa drainage canal pagdating sa covered court ng Carugdog, Lezo, sa halip na magpa-kurbada. Kaagad namang isinugod sa ospital ang biktima, subalit binawian ng buhay kagabi.
Nabatid na nahirapan umano noon sa paghinga ang biktima habang niri-rescue ng mga taga MDRRMO Lezo dahil posibleng nabalian ito ng buto sa bandang dibdib, maliban pa sa pinsalang tinamo nito sa baba.
Wala rin umanong suot na helmet ang biktima nang mangyari ang insidente.