Connect with us

Aklan News

Menor de edad, sinuntok; ama, rumesbak

Published

on

Nirespondehan ng mga kapulisan ang isang komosyong naganap sa labas ng sayawan sa kasagsagan ng bisperas ng pista sa Brgy. Bachao Sur, Kalibo nitong Biyernes.

Batay sa imbestigasyon ng Kalibo PNP, habang naglalakad umano ang 14-anyos na biktima kasama ang kaniyang mga barkada sa labas ng covered court ay bigla umano itong pinagsusuntok sa mukha ng isang 31-anyos na lalaki.

Nakatakbo umano ang naturang menor de edad at nagsumbong sa kaniyang ama.

Dahil dito, hinanap kaagad ng ama ang nanuntok sa kaniyang anak at rumesbak.

Pinaulanan rin nito ng suntok sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang nasabing lalaki.

Sinasabing, nagkahabulan pa ang mga ito kung saan ay may bitbit na kutsilyo ang ama kaya’t aksidente pa nitong nadaplisan sa leeg ang 23-anyos na binata na kaniyang nakabanggaan sa daan.

Sa pagresponde naman ng mga kapulisan, agad natukoy ang mga sangkot at dinala sa Kalibo Municipal Police Station.

Ngunit dahil sa mga natamong pasa at sugat ng mga sangkot ay dinala ang mga ito sa pagamutan.

Samantala, kalauna’y ini-refer din ang kaso sa Barangay Justice System para sa karampatang disposisyon.