Aklan News
Mga Aklanon LSI na uuwi mula July 23, kailangan may RT-PCR negative result
Inalis na ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang travel moratorium sa mga Locally Stranded Individual (LSI) na nais lumuwas sa Western Visayas, kaugnay nito naglabas ng Executive Order No. 029-B si Aklan Gov. Florencio Miraflores para sa mga uuwing LSI.
Simula July 23 ay required na ang mga LSI na magpakita ng kanilang latest RT-PCR negative result maliban sa certificate of acceptance mula sa LGU para makauwi sa kanilang mga lokalidad ayon sa panayam ng Radyo Todo kay Provincial Administrator Atty. Selwyn Ibarreta.
Pero sa ngayon, tatanggapin pa nila ang medical certificate na dala ng mga LSI na nauna nang nabigyan ng certificate of acceptance.
Sa ginanap na pagpupulong kahapon ng Provincial Inter-Agency Task Force (PIATF) kasama ang lahat ng mayors sa Aklan, napagkasunduan nilang sundin ang direktiba ng national government na buksan muli ang probinsiya para sa mga LSI.
Samantala, binanggit ni Ibarreta na posible nang buksan sa unang linggo ng Agosto ang sariling COVID-19 Testing Laboratory sa Aklan para sa mas mabilis na resulta ng mga test.
Nitong nakaraang araw ay natapos na umano ng Department of Health (DOH) ang assessment na isinagawa sa naturang pasilidad na makakatulong sa pagsiguro sa proteksyon ng mga Aklanon.