Aklan News
Mga Aklanong may Philsys ID, nasa 3 percent pa lamang – PSA Aklan


Umaabot lamang sa tatlong porsiyento ng mga Aklanon ang nakatanggap na ng kanilang mga Philsys ID ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) Aklan.
Sa panayam ng Radyo Todo kay Mrs. Rodelyn Panadero, Statistical Supervising Specialist ng PSA-Aklan ito ay maaring dahil ang lalawigan ng Aklan ay hindi nakasama sa pilot registration ng Philippine Identification System o PHILSYS para sa National ID System.
Ito ang naging paliwanag ni Panadero kasunod sa mga reklamong idinadaing ng mga Akalanon na hanggang ngayon wala pa ang kanilang Philsys ID, taliwas sa sinabi sa kanila noong sila’yn nagparehistro na ito’y kanilang matatanggap pagkalipas ng mahigit tatlong buwan.
Aniya, hindi lamang ang Aklan ang wala pang natatanggap na Philsys ID dahil maging ang ibang lalawigan ay may kapareho ding reklamo.
Saad pa ni Panadero na kahit sila na nagtatrabaho sa PSA-Aklan ay wala pang Philsys ID.
Ipinaliwag din niya na ang proseso sa Philippine Identification System ay dumadaan sa mga identity verification at manual verification upang masiguro na walang mangyayaring duplication.
Sinisiguro din ng kanilang ahensiya na hindi mapepeke ang Philsys ID kung kaya’t noong registration ay kinuhaan ang bawat isa ng kanilang demographic at biometric data.
Dagdag pa ni Panadero na maraming features ang national ID dahil ibinatay nila ito sa birth certificate ng isang indibidwal at makakatulong upang i-streamline ang mga transaksyon sa gobyerno at babaan ang gastos ng aplikasyon sa government-related IDs, at padaliin ang lahat ng mga transaksyon.