Aklan News
MGA BASURANG NAKABARA SA INLET, SINISISI SA PAGBAHA SA BORACAY SA KABILA NG REHABILITASYON
Patuloy pa rin ang mga pagbaha sa ilang lugar sa Boracay sa kabila ng ginawang pagsasara at rehabilitasyon sa isla.
Sa panayam ng Radyo Todo sinisi ni Engr. Noel Fuentebella sa mga basurang nakabara sa inlet ng drainage system ang mga insidente ng pagbaha.
Base umano sa kanilang obserbasyon ay walang problema sa drainage system na tinayo ng Department of Public Works and Highways (DPWH). “Kahit gaano kaganda ang ating drainage system, pag pumasok ang basura talagang babaha po yan”, saad nito.
Kadalasan umano sa mga basurang nakukuha nila ay mga bote ng plastic at mga dahon ng punong-kahoy.
Iginiit ni Fuentebella na matagal na nilang panawagan sa publiko na magkaroon ng disiplina sa pagtatapon ng basura at panatilihin ang malinis na kalsada para hindi magkaroon ng bara sa mga inlet at makadaloy ng maayos ang tubig sa mga drainage system.
Inaasahan nitong matatapos na ang ginagawang sidewalk at drainage system sa huling linggo ng Oktubre.