Aklan News
MGA BENEPISYARYO NG HOUSING UNIT SA BRIONES KALIBO, BIBIGYAN NG PITONG ARAW PARA LUMIPAT
Binigyan ng pitong araw ang mga benepisyaryo ng housing units sa barangay Briones, Kalibo na mag-comply na gibain at iwanan na ang kanilang mga bahay na nasa danger zone at okupahin na ang mga housing unit na na-award na sa kanila.
Ayon kay Kalibo Municipal Planning and Development coordinator Engr. Marlo Villanueva na kailangan ng mga benepisyaryo na ideklarang bakante ang kanilang mga bahay dahil kung hindi ay ipapa-raffle ulit ito ng LGU upang mapunta sa ibang kwalipikado at nais makatanggap ng libreng programang pabahay ng gobyerno.
Aniya matagal na nilang na-award ang nasabing mga housing units ngunit hindi pa inuukupa ng mga benepisyaryo na labag sa kanilang pinirmahang kasunduan sa National Housing Authority (NHA) kung sinasaad nito na dapat gibain at iwan nila ang kanilang bahay na nauna nang nasira dahil sa bagyong Yolanda.
Dagdag pa ni Villanueva na mayroon nang validation na ginawa ang LGU-Kalibo kung totoong nag-comply na sa Memorandum of Agreement ang ilang mga benepisyaryo.
Samantala, nauna nang ipinahayag ni Kalibo Mayor Emerson Lachica na may ilang benepisyaryo na ang nagpunta sa kanyang tanggapan upang humingi ng kaunting palugit na lumipat sa housing units dahil sa ilan pang problema na kinakaharap nila.
Sa kasalukuyan ay pinag-aaralam pa ng LGU-Kalibo ang hiling na palugit ng ilang mga benepisyaryo bago sila ideklarang diskwalipikado sa nasabing proyekto.
Napag-alaman na sa isang bahay ay mayroong dalawa o mahigit pang pamilya ang nakatira kung saan hindi kayang ma-accommodate ng nasabing housing unit.