Aklan News
Mga binatilyong nakatambay, pinagbabato at hinagisan ng bote ng pitong kalalakihan na naka-motorsiklo sa Old Buswang, Kalibo


BINATO at hinagisan ng bote ang limang kabataang lalaki ng hindi pa nakikilalang mga suspek habang nakatambay sa Barangay Old Buswang, Kalibo, bandang alas-12:30 ng madaling araw, Hunyo 7.
Ayon sa salaysay ng mga biktima, habang sila’y nakaupo at nagpapahinga sa ilalim ng isang puno sa nasabing lugar, bigla na lamang silang pinagbabato at hinagisan ng bote ng pitong lalaking sakay ng tatlong motorsiklo.
Kabilang sa mga motorsiklong ginamit ng mga suspek ay isang itim na Honda Click at isang itim na Rusi.
Bigla na lamang umanong inihagis ng mga suspek ang isang malaking bato at tatlong basyong bote sa mga binatilyo.
Matapos ang insidente, agad na tumakas ang mga suspek sakay ng kanilang mga motorsiklo.
Wala namang nasaktan o tinamaan sa insidente.
Agad na ipina-record ng mga biktima ang insidente sa Kalibo Municipal Police Station para sa kaukulang imbestigasyon. Ulat ni Jisrel Nervar