Connect with us

Aklan News

Mga boatmen at Malaynon, nag-motorcade para ipakita ang kanilang pagtutol sa Caticlan-Boracay Bridge

Published

on

Nakiisa ang maraming residente kabilang ang mga boatmen ng CBTMPC sa isinagawang motorcade kaninang umaga kaugnay sa kampanya laban sa panukalang pagtatayo ng tulay na magkokonekta sa mainland Malay at Boracay Island.

Ayon kay SB member Godofredo Sadiasa, consultant ng Caticlan Boracay Transport Multi-Purpose Cooperative (CBTMPC), ito ay para ipakita ang kanilang pagtutol sa binabalak na Caticlan-Boracay Bridge at dahil na rin sa selebrasyon ng National Cooperative Month.

Aniya nais nilang, ipakita sa mga tao ang kahalagahan ng kooperatiba sa pangkabuhayan ng mga residente.

Binanggit rin nito na ini-refer ng Office of the President sa Sangguniang Panlalawigan ng Aklan ang kanyang ipinadalang sulat kaugnay sa kanilang pagtutol sa tulay.

Nakapag-usap na rin umano sila ni Vice Governor Reynaldo Quimpo at naghahanda na rin sila ng position paper para dito.

“Ang Sangguniang Panlalawigan is siding with us. Sila mismo sa SP, naga-prepare man sang ila position paper, which we will coordinate and provide necessary data kung ano ang magiging effect ng tulay na yan sa buhay ng tao dito sa Malay particularly, Boracay,” saad niya.

Iginiit nito na hindi sinunod ng San Miguel Corp. (SMC) ang legal na proseso sa pagtatayo ng proyekto.

“Kasi uwa man nanda masunod ro legal protocol nga gina require before a national project can be implemented sa municipal level,” lahad niya.

Dagdag pa niya, hanggang ngayon ay malaki pa ang kanilang utang sa bangko dahil sa pagsunod nila sa kautusan ng gobyerno na i-modernize ang kanilang mga bangka, milyon-milyon na raw ang kanilang nagastos at hindi pa ito nababayaran.

“Gin-evaluate namon, ro total number of boats sa makaron is 48, puro fiber glass ron. Ro isa karon naga cost between 8-10 million. So kung i-multiply naton ro 48, that’s almost half million ang amon na invest,” giit nito.

Ayon pa kay Sadiasa, maraming pamilya ang maaapektuhan dahil marami ang mawawalan ng trabaho kapag natuloy ang naturang proyekto.

“We don’t treat these boats as negosyo, kasi means of livelihood ta ra, we have around 500 families na will be directly affected,” saad niya.

Nilinaw rin niya na hindi sila humahadlang sa pagprogreso pero sana ay dumaan muna ang SMC at kumunsulta sa taong bayan para masigiguro na wala silang masasagasaan.