Aklan News
Mga de boteng inumin, matutulis na barbeque stick ipagbabawal sa “Sinadya”
Ipagbabawal ang pagbenta ng mga de boteng softdrinks at beer at paggamit ng matutulis na barbeque stick sa lahat ng Sinadya Festival sites sa Roxas City.
Kasunod ito ng inilabas na Executive Order no. 24 ni Mayor Ronnie Dadivas araw ng Miyerkules, Nobyembre 27.
Saad ng alkalde, kadalasan umanong ginagamit ng mga lasing ang mga glass bottle bilang armas. Maaari rin umanong gamitin ang mga basag na bote at barbeque stick panaksak.
Giit niya, ang pagbabawal ng mga ito ay para sa kaligtasan ng mga bisita at mga residente na dadalo at lalahok sa sanglinggong selebrasyon.
Ang selebrasyon ng Sinadya 2019 – Pista sang Immaculada Concepcion ay mula Disyembre 4 hanggang 9.
Mababatid na isinusulong ni Konsehal Cesar Yap ang pagpasa ng isang ordinasa sa Sangguniang Panglungsod kaugnay rito.
Nasa second reading na ang nasabing panukala pero maaaring sa susunod pa na taon ito maipapatupad kapag naging ganap nang ordinasa.
Samantala, isang task force ang bubuoin ng city government sa pangunguna ng Roxas City PNP para panatilihin ang kaayusan at seguridad sa selebrasyon.