Aklan News
Mga establishment sa tabing-dagat oobligahin na magdeploy ng lifeguard
Nais isulong ni Philippine Coast Guard (PCG) – Capiz Commander Edison Diaz ang pag-oobliga sa mga establishment sa mga shore area sa Roxas City at maging sa buong Capiz ang pagdedeploy ng lifeguard.
Ito ang ipinahayag ni Diaz sa kanyang mensahe sa regular session ng Sangguniang Panglungsod matapos tumanggap ng komendasyon mula sa konseho.
Ayon sa opisyal ng PCG-Capiz, hihilingin umano niya ang alkalde at ang konseho na isulong na bago makapagrenew ng permit ang mga establishment ay dapat mayroon silang lifeguard na sasailalim sa kaukulang training.
Pinahayag pa ng commander na kinakailangan ito para masiguro ang buhay at kaligtasan ng mga beach goer. Marami aniyang naliligo sa dagat tuwing weekend kabilang na sa Baybay Beach dito sa lungsod.
Samantala ibinalita rin ni Diaz na simula nang maupo siya sa kanyang pwesto Pebrero noong nakaraang taon ay ilang lifeguard training na ang naisagawa ng tanggapan.
Kumpara umano noong nakaraang administrasyon kung saan marami ang nalulunod at ang iba ay namatay, wala umano siyang matandaan na naiulat na nalunod at namatay sa kanyang panahon.
Kung meron man aniyang mga nalunod sa kanyang administrasyon, yon ay mga near drowning incident lamang dahil mabilis na nakaresponde ang mga nakatalagang lifeguard o coastguard sa mga tabing-baybayin.
Si Diaz ay dumalo sa regular session ng Sangguniang Panglungsod para tanggapin ang komendasyon ng konseho sa kanilang tanggapan kaugnay ng matagumpay na rescue operation sa isang naaberyang sasakyan-pandagat noong Enero 2 kung saan 127 pasahero ang nailigtas.