Aklan News
Mga foodcart na nakaharang sa daan, kinumpiska ng Kalibo PNP
Kalibo, Aklan – Kinumpiska ng kapulisan ang mga food cart na nasa harap at gilid ng Kalibo Cathedral dahil marami sa mga ito ay sagabal sa daanan at walang kaukulang permit.
Ayon kay Kalibo Mayor Emerson Lachica, pinagbayad sila ng kalahati ng Php1500 na multa dahil sa paglabag sa Traffic Code at kawalan ng Mayor’s permit.
Ayon sa alkalde, nalungkot din siya sa nangyari dahil iyon lang din naman pinagkukunan ng ikinabubuhay ng mga ito subalit ipinagbabawal dahil sa pagpapatupad ng road clearing sa mga kalsada.
Sa ipinatawag na meeting kahapon, napag-usapan na ilalagay na lang ang mga vendors sa may Kalye Kulinarya Kalibo (KKK) sa may Veterans Avenue, Kalibo.
Pumayag naman ang mga ito na ilagay na lang sila sa iisang lugar.
Kasama sa naganap na pagpupulong si MEEDO officer Engr. Jess Fegarido, taga Business Permit and License Division Glorily Calizo, Traffic Officer SPO4 Ronald Macario, at iba pang mga kasamahan sa PNP.
Sa ngayon ay halos wala nang natirang food cart sa Magsaysay Park.