Aklan News
MGA GAMIT SA LOOB NG ISANG BAHAY SA LIBACAO NAGLIPARAN SA GALIT NG KAPRE?
Kapre, katotohanan o kathang isip?
Usap-usapan ngayon sa socmed ang kwento ng isang pamilya sa Libacao na binulabog umano ng kapre, Martes ng gabi.
Bigla raw kasing nagsiliparan ang kanilang mga gamit sa loob ng bahay na nagpatindig ng kanilang balahibo.
Nagresulta ito ng pagkabasag ng kanilang mga kagamitan at mga bote ng softdrinks mula sa tindahan.
Maliban dito, kumalat ang mga bigas na may bakat ng naglalakihang mga kamay ng hindi malamang elemento sa sahig ng kanilang bahay.
Ayon sa may-ari ng bahay na si Florence Nabiong, matutulog na sana sila dakong alas-10:00, Martes ng gabi nang nagkandahulog ang kanilang mga babasaging tasa.
Sumunod umano dito ang lagayan ng kanilang mga plato at mangkok kaya nabasag ang lahat ng laman nito.
Hanggang sa nagsunod-sunod na ang pambabasag ng mga gamit ng hindi malamang elemento kahit na nilagay na nila ang lahat ng kanilang mga babasaging gamit sa lapag.
Lumipat na sila ng katabing bahay pero sinundan pa rin umano sila ng hindi maipaliwanag na elemento at nagbasag pa rin ng gamit sa bahay na kanilang nilipatan.
Batay naman sa albularyong si Raffy Nahil na hiningan ng tulong ng pamilya, nakita at nakasalubong niya mismo ang “kapre” habang nagsasagawa ng ritwal pataas sa ikalawang palapag ng bahay at binato pa umano siya nito ng tsinelas.
“Gulpi eang ako nga umatras ag nakibot Katodong Jonathan bangud nga nasub-eang ko ro KAPRE. May ginatawag abi kami nga third-eye, kami eang ro makakita it mga lamang-lupa nga ginatawag. Umatras ako ag tinaw-an ko imaw it daean para makapanaog, ginpadayon ko man sa gihapon ro akon nga pagblessing sa second floor,” salaysay nito sa panayam ng Radyo Todo.
Lumalabas na ikinagalit umano ng kapre ang pagluto ng pamilya malapit sa puno na tinitirahan nito.
Marami ang nagsasabing likha lamang ang mga ito ng malikot na isipan ng mga matatanda noong unang panahon para matakot ang mga bata pero para sa mga residente, totoo ang mga ito dahil sila mismo ang nakaranas.