Aklan News
Mga kasong homicide at frustrated homicide, isinampa laban sa suspek sa pananaksak-patay sa Tangalan


SINAMPAHAN na ng mga kasong homicide at frustrated homicide ang suspek sa pananaksak-patay sa Brgy. Tamalagon, Tangalan, nitong Biyernes Santo, Abril 18.
Ito ang kinumpirma ni PLt. Noemi Ibuyan, Deputy Chief of Police ng Tangalan PNP sa panayam ng Radyo Todo nitong araw.
Kinilala ang suspek kay Ruben, 24-anyos habang ang nasawing biktima ay si Joren, 22-anyos, residente ng Tina, Makato, samantalang patuloy na ginagamot sa ospital si Reneboy na residente rin ng bayan ng Tangalan.
Sa naging imbestigasyon ng Tangalan PNP, nagpapahinga umano ang suspek na si Ruben sa housing unit sa Tagas, Tangalan nang puntahan ng kanyang kapatid na lasing kasama ang tatlong iba pa upang manghingi ng pambili ng alak.
Nang umano’y walang maibigay, dito ay binugbog ang suspek at agad namang umalis sa lugar ang apat na kalalakihan.
Mga bandang alas-4:30 ng hapon ng Biyernes, habang papauwi ang suspek na si Ruben sa bahay ng kanyang lola, muling nakasalubong nito ang mga unang nambugbog, at umano’y higit sa anim ang kanilang bilang kasama na ang dalawang biktima.
Nagkaroon pa umano ng pagtatalo hanggang sa pinagtulungang bugbugin ang suspek na umabot sa nasaksak nito si Joren at si Reneboy.
Isinugod pa ang dalawa sa Aklan Provincial Hospital, ngunit idineklarang dead-on-arrival si Joren samantalang patuloy na ginagamot si Reneboy.
Sa ngayon, kasalukuyang nasa lock-up cell ng Tangalan Municipal Police Station si Ruben para sa kaukulang disposisyon.| ulat ni Arvin Rompe
Continue Reading