Connect with us

Aklan News

Mga may-ari ng baboy sa Aklan, dehado sa pambabarat ng mga negosyante

Published

on

Dehadong-dehado ang mga may-ari ng baboy dahil sa pambabarat ng mga negosyante ng baboy.

Ito ang pahayag ni Engr. Jun Agravante Jr., Chairman ng Livestock and Poultry Raiser Association sa lalawigan ng Aklan.

Aniya, lugi ang mga hog raiser dahil tumataas ang presyo ng feeds kung saan pumapalo ito ng P1,700 kada sako.

Maliban aniya sa feeds, ang presyo ng biik ay umaabot ng P3,500.

Bukod pa rito, gagastos pa sila sa kuryente, tubig at iba pa.

Dahil dito, nagkaisa ang mga hog raiser na kung maaari ay magkaroon sila ng minimum na presyo.

Napagkasunduan aniya nila na hindi nila ibebenta ang kanilang mga alagang baboy kapag mababa sa P150 kada kilo ang bili ng negosyante.

“Nagkaisa ang mga hog raiser na kung pwede, mag-set tayo ng minimum at P150. Hindi tayo magbebenta below P150 kasi lugi talaga. Ito ang pinaka-logic, ang feeds natin ngayon tumataas, nasa P1,700. Ang P1,700 na yan ay per sako. Pero ang mga hog raiser natin sa araw-araw na bumibili ng per kilo. Aabutin siya ng P1,840 – P1,850,” pahayag ni Agravante.

Giit pa ni Agravante, kung susumahin, kikita lamang ng P300 sa loob ng isang buwan ang isang hog raiser o nag-aalaga ng baboy.

“Malaki ang demand ng baboy, pero mababa ang bilihan. ‘yan yung dapat ayusin natin,” dagdag pa nito.