Connect with us

Aklan News

MGA NAAPEKTUHAN NG PAGBAHA SA BAYAN NG MAKATO, HINDI PA RIN NAKAKATANGGAP NG AYUDA

Published

on

Hindi pa rin nakakatanggap ng ayuda mula sa lokal na pamahalaan ng Makato ang mga residente nitong naapektuhan ng pagbaha noong Oktubre 23, 2021 dahil sa matinding pag-ulan dulot ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ) sa lalawigan ng Aklan.

Kaugnay nito, nagpasa ng resolusyon ang Sangguniang Bayan ng Makato upang kwestyunin si Mayor Atty. Abencio Torres kung bakit hanggang ngayon ay walang kahit anong relief assistance ang naibibigay sa mga biktima ng pagbaha sa kabila ng pagsailalim sa nasabing bayan sa State of Calamity.

Nakasaad sa Resolution No. 2022-266 ng Sangguniang Bayan na responsibilidad ng lokal na pamahalaan na ibigay sa nasasakupan nito ang agarang tulong sa oras ng kalamidad o sakuna.

Sinasabi rin sa nasabing resolusyon na may dalawang buwan na ang nakalilipas matapos magdeklara ng state of calamity ng LGU Makato at dapat mayroon ng tulong para sa mga naapektuhan ng pagbaha dahil maaari ng magamit ng lokal na pamahalaan ang kanilang quick response fund.

Magugunitang naging mainit na isyu sa bayan ng Makato ang pagtanggi noon ni Mayor Torres na isailalim sa state of calamity ang kanilang bayan dahil nanindigan ang alkalde na hindi na ito kailangan base sa kanyang isinagawang assessment sa lugar.

Samantala, batay naman sa ipinalabas na final damage assessment report ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) tinatayang aabot sa 127 million pesos ang pinsalang iniwan ng nasambing kalamidad.