Aklan News
Mga Pinoy na uuwi ng Aklan mula sa bansang apektado ng COVID-19, dapat sumailalim sa striktong home quarantine
Kalibo, Aklan – Kailangan sumailalim sa striktong home quarantine ang mga Pinoy na nais umuwi mula sa mga bansang may kumpirmadong kaso ng COVID-19 kahit na wala silang sintomas ng sakit.
Ayon kay Aklan Provincial Health Officer Dr. Bong Cuachon, isa ito sa hakbang na napag-usapan kahapon sa emergency meeting kasama si Gov. Florencio Miraflores.
Ipinaliwanag nito na ang isang taong nasa ilalim ng home-quarantine ay may limitadong galaw at bawal na lumabas ng bahay.
Dapat nakahiwalay rin ang kwarto nito at mga gamit sa pagkain gaya ng kutsara, tinidor at baso.
Kailangan din na laging nakasuot ng face mask sa loob ng buong quarantine period.
Maliban dito ay bawal rin na magyakapan at humalik sa mga kakilala dahil sa isang metrong social distancing mula sa ibang tao.
Kaugnay nito, patuloy ang hakbang na ginagawa ng lokal na pamahalaan laban sa pagpasok ng sakit sa probinsya.
Ngayong umaga ay magkakaroon ng Provincial COVID-19 Task Force meeting sa Sangguniang Panlalawigan Session Hall para pag-usapan kung ano ang mga dapat gawin para maharang ang pagpasok ng sakit sa Aklan.