Connect with us

Aklan News

MGA PRIBADO AT PAMPUBLIKONG SEMENTERYO SA KALIBO, SARADO SA UNDAS

Published

on

Photo File

Inanunsyo na ng lokal na pamahalaan ng Kalibo ang pansamantalang pagsasara ng mga pampubliko at pribadong sementeryo sa Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2 ngayong taon.

Sa dalawang pahinang Executive Order Number 081 na pirmado ni Kalibo Mayor Emerson Lachica, pansamantalang isasara sa publiko ang lahat ng sementeryo at memorial parks na sakop ng bayan sa darating na Undas.

Isinasaad din sa nasabing executive order na 30% lamang ang papayagan na makapasok sa sementeryo sa mga araw bago ang pansamantalang pagsarado sa mga ito.

Inaatasan din ang mga tagapamahala ng mga nabanggit na sementeryo, gayundin ang Business Permit and Licensing Division, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, Kalibo Auxiliary Police (KAP) at mga opisyal ng barangay na tiyaking masusunod ang minimum public health standards.

Magugunitang ipinag-utos din ni Lachica ang pagsasarado ng mga sementeryo noong nakaraang Undas dahil sa pandemya.