Aklan News
Mga residente sa Buruanga, inirereklamo ang umaalingasaw na amoy mula sa tambak na basura sa Cabulihan, Malay
Araw-araw tinitiis ng mga residente sa Malay at karatig na bayan na Buruanga ang mabahong amoy na mula sa dumpsite sa Brgy. Cabulihan, Malay.
Sa panayam ng Radyo Todo kay Brgy. Captain Jesus Flores ng Brgy. Habana, Buruanga, sinabi niya na nakakaawa ang mga estudyante at guro na pumapasok sa eskwelahan at nagtitiis sa masangsang na amoy habang nasa face-to-face-classes.
Umaabot pa raw ang baho ng dumpsite maging sa mga barangay ng Nazareth, Balusbos, Alegria at Mayapay.
Aniya, dati pa nilang problema ang mabahong amoy mula sa dumpsite pero mas lumala ito at marami na ang nagrereklamo simula nang lumakas ang ekonomiya ng Boracay nang buksan ito sa mga turista.
Pahayag pa ng punong barangay, isinangguni na niya sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang naturang problema noon pang 2018 pero hindi ito inaksyunan ng kagawaran.
“Tao kun haaksyunan nanda to hay, gapueopamantaw kakon ro baye ngato halin sa siki hasta sakon ulo. Syempre mingko ati malang mana itsura kara,” saad niya sa Radyo Todo.
Balak niya ngayon na muling magpasa ng resolusyon kaugnay sa problema sa masangsang na amoy ng basura na nagdudulot ng matinding perwisyo sa kanilang mga nasasakupan.