Connect with us

Aklan News

Mga residenteng pinadalhan ng notice of self-demolition sa Boracay, maaaring gumawa ng letter of appeal – CENRO

Published

on

Maaaring magpadala ng letter of appeal ang mga mahihirap na residente ng Boracay na pinapaalis na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga public lands na matagal na nilang tinitirahan.

Ito ang pahayag ni Rhodel Lababit ng CENRO Boracay sa panayam ng Radyo Todo.

Si Lababit ang signatory ng final notice of self-demolition na ipinadala sa mga residente nitong Nobyembre 13, 2020.

Simula pa aniya noong 2018 ay batid na ng mga residente ang tungkol sa demolisyon dahil sa isinasagawang Boracay rehabilitation.

Sa katunayan, may kabuuang 339 na mga residential at commercial establishments di umano ang naitalang lumabag sa 25+5 easement na ipinapatupad sa isla.

Sa nasabing bilang, natapos na ng DENR ang 91% ng mga commercial establishments habang nasa 20% palang ang nakapag demolish sa mga residential houses.

Kinumpirma rin ni Lababit na ang local government unit ang dapat na magbigay ng relocation site sa mga residente bago ang demolisyon base sa Boracay Action Plan na pirmado ni Presidente Rodrigo Duterte.

Kaugnay nito, mayroon na aniyang 31 pamilya na narelocate sa Sitio Angol, Manocmanoc sa pamamagitan ng Certificate of Land Ownership Award (CLOA) ng Department of Agrarian Reform (DAR).

Batid ni Lababit ang hinaing ng mga residente gayunpaman ay kailangan lang aniya nilang sumunod sa mandato ng gobyerno, “We have to deliver what is assigned to us.”

Ang maaari lamang gawin sa ngayon ng mga residente na matagal ng naninirahan sa isla ay gumawa ng letter of appeal na kung saan may naka-attach na mga importanteng dokumento o tax declarations.