Aklan News
Mga Taga-Boracay, nais ipatanggal ang Negative RT-PCR test Requirement
Hindi lang natatapos sa ospital ang problema sa coronavirus pandemic, marami na rin ngayon sa mga negosyante at local na residente ng Boracay ang nagdurusa sa pagsadsad ng turismo sa isla.
Ito ang lumabas sa ipinatawag na pulong ni Governor Florencio Miraflores nitong Sabado ayon kay Provincial Administrator Atty. Selwyn Ibarreta.
Nagpatawag di umano ng pulong ang gobernador sa lahat ng stakeholders at samahan, kasama si Mayor Frolibar Baustista at mga opisyal ng barangay sa Caticlan, Manocmanoc, Balabag at Yapak.
Layon nito na pakinggan ang hinaing ng mga ito matapos ang isang buwan na pagbubukas ng isla nitong October 1, 2020.
Dito napag-alaman na hirap parin ang mga lokal lalo na ang mga umaasa lang sa sektor ng turismo dahil pa rin sa matumal na pagpasok ng mga bisita.
Nabatid na lugi na rin ang mga negosyante dahil sa dobleng gastos diumano sa pagpapabalik ng kanilang mga tauhan na dapat paswelduhan at 30% lang ng establisyemento ang maaaring okupahan kasama na ang discount.
Dahil dito nagkasundo ang lahat na gumawa ng isang resolusyon na humihiling sa National Inter-Agency Task Force (NIATF) na tanggalin na lang ang requirement na negative RT-PCR result sa lahat ng mga magbibisita sa Boracay.
Giit nila, mahigpit naman na ipatutupad ang QR code sa lahat ng mga establisimento para sa mas madaling contact tracing at maliban sa mga protocols na sinusunod, ang turista mismo ay nag-iingat din para proteksyunan ang kanilang sarili.
Hindi naman umano aalis ang mga turista sakaling may nararamdaman ang mga ito.
Pananapos ni Ibarreta, posibleng gumawa ng joint resolution ang gobernador at opisina ni Mayor Frolibar Bautista ng Malay para iendorso ang hiling ng mga residente.
Batay sa datos ng malay Municipal Tourism Office, mayroon lamang 2227 na tourist arrivals sa isla mula nang buksan ito noong October 1-29, 2020.