Aklan News
MGA TELEPHONE AT CABLE COMPANY SA AKLAN IPATATAWAG NG AKELCO
Ipapatawag ng pamunuan ng Aklan Electric Cooperative o AKELCO ang mga Telephone at cable company sa lalawigan ng Aklan upang magpaliwanag tungkol sa isinagawang ‘Saguibin’ ng kooperatiba noong nakalipas na Sabado sa bayan ng Kalibo kung saan ay hindi nakipagtulungan ang mga ito.
Ayon kay Akelco Acting General Manager Atty. Ariel Gepty, hindi sumipot ang nasabing mga kompanya sa isinagawang aktibidabes sa kabila ng kanilang napagkasunduan.
Dagdag pa ni Gepty na layunin sana ng ‘Saguibin’ na ayusin ang mga nakalaylay na linya ng kuryente, cable at telepono pati na ang luma at kailangan nang iretirong mga poste para maiwasan ang mga insidente o aksidente.
Sakali umanong may makita paring paglabag ang Akelco sa kanilang joint pole agreement ay mapipilitan ang kooperatiba na kanselahin na lamang ang kanilang napagkasunduang kontrata.
Samantala, kahit hindi sumipot ang mga nasabing kumpanya ay naging matagumpay pa rin ang isinagawang aktibidades ng Akelco matapos silang nakapag retiro ng 40 poste at unti- unti naring nailagay sa ayos ang mga tinatawag na spaghetti wires sa bayan ng Kalibo.
Sa ngayon ayon pa kay Atty. Gepty ay mga tatlong porsyento palang ng problema sa buong lalawigan ng Aklan ang kanilang naisaayos.