Connect with us

Aklan News

Mga turista sa Boracay, pwede nang kumuha ng RT-PCR test 72-hours bago ang biyahe

Published

on

Pumayag na ang IATF (Inter-Agency Task Force for the Management of Infectious Diseases) na luwagan ang protocol para sa mga turistang magbabakasyon sa Boracay.

Inanunsyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque nitong Biyernes na ginawa ng 72-hours ang dating 48-hours na pagsumite ng resulta ng swab test bago bumiyahe sa isla.

“Kung dati po lahat ng mga turista ng Boracay ay kinakailangan magpa-RT PCR test 48 hours prior to arrival, ngayon po ay ginawang 72 hours prior to their date of travel. So pinahabaan po iyong period kung kailan pupuwedeng magpakuha ng PCR test bago bumiyahe patungo po ng Boracay,” saad ni Roque sa Laging Handa public briefing.

Layunin nito na makapag-imbita pa ng mas maraming bisita sa isla.

Matumal pa rin ang bilang ng mga tourist arrivals 15 araw mula nang buksan ang isla, base sa tala ng Malay Municipal Tourism Office, 844 palang ang dumating na bisita mula October 1-15.

Kaugnay nito, hinihintay pa ng Aklan Provincial Government ang tugon ng IATF sa kanilang hiling na huwag ng hanapan ng negative RT-PCR result ang mga bisita mula sa Western Visayas dahil may free movement naman sa rehiyon.