Aklan News
MGA TURISTANG HINDI SUSUNOD SA PROTOCOL SA BORACAY, TITIKETAN
Titiketan ang mga turistang hindi sumusunod sa ipinapatupad na minimum health protocols sa isla ng Boracay.
Ito ay kasabay ng dumaraming turistang bumibisita sa isla ng Boracay kasunod ng ipinalabas na Executive Order ng Provincial Government ng Aklan na puwede ng pumasok sa isla ang mga fully vaccinated na turista mula sa Panay Island at karatig na probinsiya ng Guimaras.
Ayon kay PLCol. Don Dicksie De Dios, hepe ng Malay Police Station, walang rason ang mga turista sa isla na sabihing hindi nila alam ang patakaran dahil mahigpit ang kanilang mga paalala bago makapasok sa isla.
Aniya bago sila makapag-book ng kanilang tiket papunta sa isla ay may mga paalala na sa kung ano ang dapat gawin sa kanilang pananatili sa Boracay.
Dagdag pa ni De Dios na hanggang sa eroplano, paglapag sa airport, pagpasok ng jetty port at hanggang sa kanilang mga hotel ay may mga reminder sila para sa mga turista.
Kaugnay nito ay nanawagan ang hepe ng pulisya sa isla na sumunod sa mga ipanapatupad na health protocols dahil ang sinuman mahuling lumabag ay paniguradong bibigyan nila ng citation ticket.
Saad pa ng opisyal na P2,500 pesos ang multa sa mahuhuling walang suot na facemask.
Ipinahayag rin nito na bumaba na crime rate sa isla dahil sa nakalatag na mga security measures gayundin na naka-alerto ang mga kapulisan upang masigurado ang kaligtasan ng mga turista bumibisita sa isla.
Simula kahapon October 29, 2021, ang curfew sa isla ng Boracay ay umpisa alas-12:00 ng hatinggabi hanggang alas-4:00 ng umaga.
Samantala ang mga barangay sa Mainland Malay ay susunod pa rin sa curfew hours na 9PM – 4AM alinsunod sa direktiba ng Provincial Government ng Aklan.
Sa kabilang banda, ang probinsiya ng Aklan ay isasailalim naman sa alert level 2 simula Nobyembre 1 hanggang 14 batay sa pinakabagong IATF resolution.