Aklan News
Mga umiinom sa sidewalk sa Roxas City pinasisita ni Vice Mayor Sicad
Pinasisita ni Vice Mayor Erwin Sicad sa kapulisan ang mga umiinom sa sidewalk sa Roxas City dahil “eye sore” umano ang mga ito.
Ito ang pinahayag ng opisyal at regular presiding officer sa session ng Sangguniang Panglungsod nitong Martes.
Inatasan na niya si Konsehal Gary Potato, chairperson ng Committee on Police, para gumawa ng hakbang at makipag-ugnayan sa kapulisan para masawata ang ganitong gawain.
Nilinaw naman ng bise alkalde na hindi siya kontra sa pag-iinom basta dapat aniya sa loob lamang ng inuman o sa tagong lugar.
Samantala, isinusulong naman ngayon sa Sangguniang Panlalawigan ang ordinansa na magbabawal sa pagpapalusot ng mga “kontrabando” sa City Jail.
Kasunod ito ng hiling ni Jail Chief Inspector Abner Zamora sa konseho na ipagbawal ang mga “kontrabando” maliban pa sa mga alak, droga, patalim, at iba pa.
Pinag-aaralan pa ng Committee on Police, Fire and Peace and Order ang nasabing panukala.