Aklan News
MGA VENDORS, NABIKTIMA NG PEKENG PERA
Numancia-5 vendors sa Numancia public market ang nabiktima umano ng pekeng pera.
Ayon sa Numancia PNP, mismong ang market supervisor na si Totsie Yeban ang tumawag sa kanilang estasyon para imbistigahan ang insidente.
Base sa imbistigasyon ng pulis, 2 dried fish vendor, 2 meat vendor at 1nagtitinda ng mga sili ang halos magkasunod na nabilhan ng isang di nakilalang babae gamit ang pekeng tig-iisang libong piso.
Ayon pa sa Numancia PNP, posibleng sinamantala ng babae ang kasagsagan ng market day kung kaya’t hindi agad napansin ng mga vendor na peke ang ibinayad sa kanila.
Kaagad din umanong tumakas ang babae na sinasabing ‘Ilonggo speaking’, nasa 5’2-5’4 ang taas at chubby ang pangangatawan.
Samantala, nasa kostodiya ngayon ng Numancia PNP ang mga pekeng pera na minarapat naman nilang pabutasan sa bangko para matiyak na hindi na muling magamit pa.
Kaugnay pa nito, nagpaalala ang mga otoridad sa publiko ng ibayong pag-iingat lalo pa’t panahon na ng kapaskuhan at maraming mananamantala gamit ang pekeng pera.