Connect with us

Aklan News

MHO Dr. Macarius dela Cruz, idineklarang “AWOL” sa serbisyo

Published

on

Itinuturing na AWOL o absent without official leave na sa serbisyo bilang Municipal Health Officer ng Kalibo si Dr. Macarius Dela Cruz matapos ang kanyang mahabang leave of absence.

Ayon kay Kalibo Mayor Emerson Lachica, dalawang buwan na ang nakalipas mula nang maglabas siya ng memorandum noong Oktubre 5, 2020 at bigyan ng 15 araw si dela Cruz para maka-report sa trabaho.

Pero hanggang ngayon ay wala pa rin itong sagot kaya ipinaubaya nito ang pinal na desisyon sa Civil Service Commission (CSC) para maideklara nang bakante ang kanyang posisyon at mapalitan na ng bagong tagapamahala ang MHO.

Bagama’t matagal na nawala si dela Cruz, hindi naman aniya ito naging problema sa MHO dahil sa husay ni Doc Jocelyn Garcia sa pamamahala bilang Officer-In-Charge ng MHO.

Sa katunayan, si Garcia ang tinitingnan niyang magiging kapalit ni Macarius sakaling maging bakante ang posisyon nito.

Kung matatandaan, mahigit isang taon nang hindi nakakabalik si dela Cruz mula noong Nobyembre 2019. Humingi pa ito ng 3 buwan na extension mula January hanggang March 2020 na kanila namang pinagbigyan.

Muli pa itong humingi ng extension dahil kailangan pa di umano niyang gamutin ang kaanak nito sa Canada hanggang sa maabutan ng lockdown at irekomenda ng HR na tanggalin na ito sa trabaho.