Aklan News
MINIMITHING ‘CITYHOOD’ NG KALIBO, MAKAKAMIT NA SA 2023?
Malaki ang tsansa na maging ‘component city’ na ang bayan ng Kalibo sa darating na taon 2023 sa pamamagitan ng House Bill No. 4558.
Ang House Bill No. 4558 o “An Act converting the municipality of Kalibo into a component city to be known as the City of Kalibo ay ipinasa noon ni dating Congressman Florencio T. Miraflores ng Aklan at Congressman Prospero Pichay ng First District of Surigao Del Sur noong 12th Congress ngunit kinulang sa requirement katulad ng bilang ng populasyon at kakulangan sa land area requirement.
Ang nasabing House Bill ay muling binuhay ni Congressman Carlito Marquez kasabay ng kanyang pag-upo bilang kongresista ng unang distrito ng probinsiya ng Aklan.
Sa panayam ng Radyo Todo sinabi ni Congressman Marquez, na natapos na ito sa committee hearing at nakatakda nang isalang sa plenaryo.
Saad pa ng kongresista na marami rin ang ibang probinsiya ang may katulad na house bill na naglalayong magkaroon ng syudad ang kanilang lalawigan, katulad ng Antique.
Samantala, malaki ang tiwala ni Marquez na ito ay maisakatuparan at tuluyan ng maging syudad ang bayan ng Kalibo sa taong 2023.
Matatandaang noong taong 2005 sa termino ni former Kalibo Mayor Raymar Rebaldo, ay minithi na ito ng Sangguniang Bayan sa pamamagitan ng Resolution No. 2005-020 na inendorso sa Sangguniang Panlalawigan ng Aklan sa pamamagitan ng Resolution No. 05-302 kung saan ang lokal na pamahalaan sa tulong ng suporta ng gobyerno-probinsiyal ng Aklan ay nagpa-abot ng pagkagusto na gawing syudad ang kanilang bayan.