Aklan News
Misis ng pinaslang na dating kapitan sa Ibajay, nakita ang suspek na bumaril sa mister


Nakita umano ng misis ng pinaslang na dating Brgy. Kapitan sa Bagacay, Ibajay ang suspek na bumaril sa kanyang mister.
Sa panayam ng Radyo Todo kay PCpl. Vanrick Ursos, imbestigador ng Ibajay PNP, sinabi niya na hanggang ngayon ay hindi pa nila makausap ang nasa state of shock na misis ng pinaslang na dating brgy. captain na si Melvin Cabales.
Pero ayon umano sa kapatid ng misis, sinabi nito na nakita niya kung sino ang bumaril sa kanyang asawa.
Ayon naman sa anak nilang 12 anyos na angkas rin ng motorsiklo, hindi niya nakita ang suspek dahil sa kabilang bahagi ng kalsada siya nakatingin nang barilin ang kanyang ama.
Hanggang ngayon ay hindi pa makausap ng maayos ang misis at hindi mabitawan ang kanyang dalawang anak dahil sa takot na baka barilin din ang mga ito.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga otoridad para matukoy ang pagkakakilanlan ng gunman.
Kung matatandaan, binaril-patay ng riding-in-tandem kagabi si dating punong barangay Melvin Cabales habang nagmomotorsiklo sa bahagi ng Agbago, Ibajay angkas ang kanyang misis at 12 anyos na anak.