Connect with us

Aklan News

Miyembro umano ng NPA, nangikil ng P15 milyon sa isang negosyante; nabaril sa entrapment operation matapos manlaban

Published

on

Miyembro umano ng NPA, nangikil ng P15 milyon sa isang negosyante; nabaril sa entrapment operation matapos manlaban

NABARIL sa ikinasang entrapment operation ng mga awtoridad ang nagpakilalang miyembro umano ng New Peoples Army (NPA) na nangikil ng P15-milyon sa isang negosyante sa lalawigan ng Aklan.

Kinilala ang suspek na si Brenz Egodas, 34-anyos at residente ng Barangay Lahug, Tapaz, Capiz at nagtamo ng tama ng baril sa kanyang hita.

Ayon kay PMaj. Jason Belceña ng Provincial Investigation Detection Management Unit ng Aklan Police Provincial Office, nakatanggap sila ng reklamo mula sa isang negosyante na may natatanggap umano itong sulat na nanghihingi ng pera.

Dahil dito ay kaagad silang nagsagawa ng surveillance at ikinasa ang nasabing entrapment operation laban sa suspek.

“Duyon ngani nga may letter imaw nga na-receive nga nagapangayo it kwarta. Gin-contact naton dayang tawo ngara ag daya ro result it aton nga operation… entrapment,” ani Belceña.

Aniya pa, halos isang Linggo ang kanilang pagtransaksiyon sa suspek bago ang naturang operasyon.

Saad pa ni Belceña, sa Iloilo sana ang kanilang naunang usapan hanggang sa nalipat sa Roxas ngunit dahil labas ito sa kanilang hurisdiksyon, pinilit nila ang suspek na mangyari ito sa Aklan.

“Actually, mga 1-week eot-a namon na contact ro suspek. Noong una, supposedly, ang transaction is Iloilo, then nag-move tayo sa Roxas. So, out of jurisdiction tayo so pinilit talaga natin na dito ang operation sa Aklan,” pahayag pa ni Belceña.

Dagdag pa nito, “Ag daya ngani nga suspek hay naghambae ta imaw nga iya ta sanda sa Makato.”

Inihayag pa ni Belceña na ang perang narekober sa operasyon ay ang perang ibibigay sana nila sa suspek.

Sa katunayan aniya, ang naunang transaksiyon nila ay P15-million ngunit bumaba sa P5-million hanggang sa nagkasundo na lamang sa P1.5-million na halaga.

“Actually ang ginamit niya dito, ang ginamit niya sa scam is member siya ng NPA,” pagtutuloy pa ni Belceña.

Kaugnay nito, sinabi ni Belceña na hindi pa nila matukoy sa ngayon kung miyembro ba talaga ito ng NPA o isa lamang istilo ng mga scammer.

“Sa ngayon ay hindi pa natin ma-confirnm kung member talaga siya or this is another part ng mga scammers na naisip ngayon nila.”

Samantala, narekober sa operasyon ang isang box ng pera, tatlong mga cellphone isang granada at mga resibo ng remittance center.

Ang naturang entrapment operation ay isinagawa sa pamamagitan ng pinagsanib na pwersa ng PNP at Philippine Army.