Aklan News
Motoristang umiwas na pusa, na-ICU; pera sa bulsa ng biktima, umano’y kinuha
Walang malay na isinugod sa ospital ang isang motorista matapos itong ma-aksidente nang umiwas sa isang pusa sa bahagi ng Brgy. Caano, Kalibo kagabi.
Kinilala ang motorista na si alyas “John”, 31-anyos na residente ng Poblacion, Tangalan.
Batay sa imbestigasyon ng Kalibo PNP, naabutan nilang nakahiga ang naturang biktima na umano’y naka-inom habang nakatayo naman ang motorsiklo. Walang nakitang galos sa katawan ng biktima ngunit dinala parin ito ng Mdrrmo Kalibo sa ospital dahil walang malay.
Pagdating sa ospital, ideneretso ito sa ICU matapos makitaan ng tama sa ulo.
Nagising naman ang biktima kaninang madaling-araw kung saan ikinuwento nito sa kaniyang pinsan na iniwasan niya ang isang pusa at hindi napansin na putol pala ang kalsada rason para ito’y matumba.
Sinasabing may tao umanong tumulong sa kanya ngunit kinapkap ang kaniyang bulsa na umano’y may lamang P15,000 na kaka-withdraw lang nito.
Walang narekober ang mga pulis na pera sa lugar kundi ATM card lamang na nasa tabi nito.
Tinignan pa sa motorsiklo kung nailagay doon ng biktima ang naturang pera ngunit wala rin ito.
Kaugnay dito, nananawagan ang pamilya ni “John” na kung kinuha man ang pera ay kung maaari sana na isauli nalang dahil malaking tulong din ito sa babayarin sa ospital lalo na at naka-ICU parin ito hanggang ngayon.