Connect with us

Aklan News

MOTORISTANG UMIWAS SA INAKALANG CHECKPOINT, NABANGGA NG BUS

Published

on

Batan – Kasalukuyang ginagamot sa ospital ang isang rider ng motorsiklo matapos mabangga ng bus alas 5:45 kahapon ng hapon sa highway ng Lalab, Batan makaraang umiwas sa inaakalang checkpoint ng pulis.

Nakilala ang biktimang si John Mark Reodique, 22 anyos ng Aranas, Balete, habang nasa kustodiya naman ng Batan PNP Station ang driver ng Ceres Bus na si Herminigildo Navato, 52 anyos ng Magpag-ong, Batan.

Base sa imbestigasyon ng Batan PNP, binabaybay noon ng bus ang national highway ng Lalab, Batan papuntang Caticlan, habang nasa 15 metro ang layo ng nauna sa kanyang motorsiklo na minamaneho naman ng biktima.

Subalit bigla na lamang umano itong lumiko pakaliwa, rason na nasapol ito, kung saan sinasabing pumailalim pa ito sa bus.

Kaagad naman siyang dinala sa ospital ng mga barangay opisyal ng Lalab, habang naka impound sa Batan PNP Station ang bus at motorsiklo.

Samantala, lumalabas pa sa imbestigasyon na posibleng umiwas ang biktima nang makita ang patrol ng Batan PNP na rumesponde pala noon sa komosyon na malapit lang sa lugar ng insidente.

Nang makapanayam naman ng Radyo TODO ang ina ng biktima, sinabi nitong nag-overtake umano ng alanganin ang bus sa kanyang anak rason na napunta ito sa linya ng motorsiklo.