Connect with us

Aklan News

MOTORSIKLO AT TRAYSIKEL, ‘INARARO’ NG KOTSE

Published

on

Kalaboso ang isang lasing na driver matapos umano nitong ‘araruhin’ ang nakaparadang motor at traysikel mag-aalas 9:00 kagabi sa bahagi ng L.Barrios St., Poblacion, Kalibo.

Nakilala ang driver ng kotse na si Francis Ausan, 30 anyos ng Toting Reyes St., Poblacion, Kalibo, habang nakilala naman ang may-ari ng motorsiklo na si Aaron Salvador Mabasa, at ang may-ari ng traysikel na si Nilda Sablayan, pawang mga taga L.Barrios St.

Sa imbestigasyon ng Kalibo PNP, binabaybay ni Ausan ang bahagi ng L. Barrios papunta sanang Roxas Avenue nang aksidente nitong masagi ang motorsiklong nakaparada sa harap ng tindahan nina Mabasa.

Kasunod nito ay umikot umano ang kotse at nabangga naman ang traysikel na nakaparada sa harap ng bahay ni Sablayan.

Kaagad din umanong humarurot ang kotse, subali’t hinabol siya ng mga tao doon hanggang sa Roxas Avenue.

Lumiko pa umano ang kotse sa Goding Ramos St., subali’t bumangga naman ito sa gutter ng kalsada.

Kaagad namang rumesponde ang mga pulis dahilan upang maaresto ang lasing na driver.

Samantala, nang makapanayam ng Radyo TODO si Ausan, sinabi nito na hindi gumana ang clutch ng kotse at hindi pumasok ang kambyo subali’t nagtuloy-tuloy umano ang takbo nito.

Iginiit din ng driver na sinikap niyang mapanatiling diretso ang takbo ng sasakyan, ngunit nasagi parin nito ang motor maging ang traysikel.

Sa kabila ng kanyang paliwanag, aminado naman si Ausan na nakainom siya nang mangyari ang insidente.

Kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng Kalibo PNP Station para sa karampatang disposisyon.