Connect with us

Aklan News

Muling pag-atake ng mga budol-budol, iniimbestigahan na ng Kalibo PNP

Published

on

Nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng Kalibo PNP hinggil sa muling pag-atake ng mga budol-budol sa bayan ng Kalibo.

Kasunod ito ng reklamo ng isang ginang noong Pebrero 6, 2023 kung saan nabiktima umano siya ng mga budol-budol habang nasa loob ng isang mall at natangay mula sa kanya ang tinatayang P80K na halaga ng mga alahas.

Ayon kay PLT. George Flores, Investigation Officer ng Kalibo Municipal Police Station, huli na umano nang namalayan ng naturang ginang na nabiktima na pala siya ng budol-budol.

Batay sa kwento ng biktima, nasa hagdan ng isang mall sa Kalibo ng may sumalubong sa kanyang lalaki na hindi niya kilala pero kilala umano siya.

Kinamusta ng lalaki ang kanyang anak na si “jun-jun” at doon na nagsimula ang kanilang pag-uusap.

Nangako umano ang suspek na tutulungan nito ang kanyang anak na makahanap ng trabaho kapag nakapagtapos na ng pag-aaral.

Maliban dito, alam din umano ng suspek na may sakit na diabetes ang biktima kung kaya’t nadala siya sa mga inaalok nitong ibibigay na gamot para sa kanya.

Dahil dito, sumama ang biktima nang ayain ng suspek sa kanilang sasakyan para umano kumuha ng nasabing gamot.

Doon na nagsimula ang panloloko ng suspek sa biktima hanggang sa hindi na nito namalayan na unti-unti na pala niyang ibinibigay ang kanyang mga alahas at cellphone.

Pahayag pa ni PLt. Flores, posibleng pinag-aralang mabuti ng mga suspek ang profile ng biktima kung kaya’t madali lamang nilang nakuha ang tiwala ng biktima.