Aklan News
MULTICAB NA BIYAHENG KALIBO-LEZO-MALINAO, MAGPAPATUPAD NG TAAS-PASAHE BUKAS


EPEKTIBO bukas, Marso 9, magpapatupad ng taas-pasahe ang mga bumabiyaheng multicab mula Kalibo papuntang bayan ng Lezo at Malinao vise versa.
Ito ay kasunod ng serye ng walang-patid na oil price increase na sinabayan pa ng matumal na bilang ng mga pasahero.
Sa panayam ng Radyo Todo kay Edgar Igcasenza , presidente ng Malinao Lezo Transport Drivers Cooperative sinabi nito na halos tatlong taon na silang nahihirapan simula ng pandemya dulot ng COVID-19.
Ngayong nasa ilalim ng Alert Level 1 status ang probinsiya ng Aklan kung saan pinapayagan na silang magsakay ng full seating capacity, inaasahan nilang muli silang makakabawi.
Ngunit dahil aniya sa serye ng taas presyo ng petroyo sa merkado ay madadagdagan na naman ang kanilang pasanin.
Dahil dito ay humihingi ng pag-unawa mula sa mga commuters si Igcasenza kung sila ay magpapatupad ng fare adjustment sa kanilang mga biyahe.
Saad ni Igcasenza na may kabigatan ang nasabing taas-pasahe ngunit ipinaliwanag nito sila ay may pamilya rin na pinapakain at binubuhay.
Binigyan-diin nito na ang naturang fare adjustment ay para lamang sa kanilang mga multicab unit at hindi saklaw nito ang mga pumapasadang jeep at traysikel sa western side.
Kaugnay nito, humingi rin ng paumanhin si Igcasenza sa mga estudyante at senior citizen dahil hindi muna aniya sila magbibigay ng discounts hanggat mataas pa ang presyo ng petrolyo sa merkado.
Maliban dito, pinaalalahanan din nito ang asawa at pamilya ng kaniyang mga drivers na intindihin muna kung bakit kaunti ang kita na mai-uuwi dahil sa krisis na kinakaharap natin sa ngayon.
Aniya pa, umaabot lamang sa dalawang daan piso ang pinakamataas na kita ng mga draybers at kung minsan pa ay 80 pesos na lamang ang kanilang nai-uuwing pera sa loob ng isang araw.
Positibo naman siya na kapag sila’y makatanggap ng subsidiya mula sa gobyerno ay maiibsan din ang kanilang pasanin.
Simula bukas, ang pasahe mula Kalibo papuntang Lezo ay magiging P17 mula sa dating P15 samantala mula sa dating P18 ay magiging P22 na ang pamasahe mula Kalibo papuntang Malinao.