Aklan News
Nag-spark na linya ng kuryente, itinuturong dahilan ng sunog na tumupok sa isang bahay sa Brgy. Venturanza, Banga
Nagspark na linya ng kuyente ang tinitingnang dahilan ngayon ng Bureau of Fire Protection (BFP) Banga sa nangyaring sunog na tumupok sa isang bahay sa Barangay Venturanza, Banga nitong Steyembre a-15.
Sa panayam ng Radyo Todo kay FO2 Jan Kit Pedrosa ng BFP-Banga, sinabi nito na pagmamay-ari ng isang salesman na kaniyang kinilala kay Jo Alex Eleserio ang naturang bahay.
Aniya pa, gawa lamang sa light materials ang bahay kung kaya’t mabilis na kumalat ang apoy.
Sa inisiyal na imbestigasyon ng BFP, walang tao sa bahay ng mangyari ang sunog dahil ayon sa ama ni Eleserio, may dalawang linggo nang nasa isla ng Boracay ang kanyang anak para magtrabaho.
Pinupuntahan lamang niya ito para bisitahin at buksan ang ilaw tuwing gabi.
Dagdag pa ni Pedrosa na lumalabas sa kanilang imbestigasyon na ayon sa witness ay nakita nilang umaapoy ang kable ng kuryente nito sa loob ng bahay.
Kaugnay nito, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng BFP Banga kung saan tinatayang aabot sa mahigit P 20K ang inisyal na pinsalang iniwan ng sunog.