Aklan News
NANAWAGAN | TRANSPORT SECTOR SA AKLAN MINAMADALI ANG PROV’L GOV’T SA PAGPROSESO NG KANILANG LPTRP
Nananawagan ngayon sa provincial government ang mga tsuper at operator ng pampublikong sasakyan sa Aklan na madaliin ang pagproseso ng kanilang Local Public Transport Route Plan (LPTRP).
Sa panayam ng Radyo Todo kay Edgar Igcasenza, presidente ng Malinao Lezo Transport Drivers Cooperative, inihayag nito na sa kanilang pag-usisa sa Regional Office, napag-alaman na hindi pa nakapagsumite ang Aklan ng aplikasyon para sa LPTRP.
Aniya, nakapagtataka na hindi pa nakakarating sa regional office ang kanilang LTPRP gayong nakapag-sumite na rin ang mga transport group mula sa iba’t-ibang bayan sa lalawigan.
Dahil sa kakulangang ito ng pamahalaang lokal ng Aklan, ang mga public cooperative transport group sa lalawigan ay hindi na-isyuhan ng prangkisa sa ilalim ng kanilang kooperatiba.
Saad pa ni Igcasenza, ang pagproseso ng LPTRP ay nangangailangan ng mahabang panahon kung kaya’t nananawagan siya sa Aklan Provincial Government na kung maaari ay madaliin na ito upang hindi na sila mahirapan.
Ikinalulungkot din nila ang implementasyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Memorandum Circular No. 2022-033 o ang Public Utility Vehicle Modernazination Program (PUVMP).
Nakasaad sa nasabing memorandum na ang probationary authority ng ilang PUJ ay nagpaso na nitong Abril a-30.
Mula sa 42 PUJ unit na pumapasada sa ilalim ng kanilang operatiba, pito na lamang aniya ang hindi pa napapaso ang probationary authority at maaaring makapagbiyahe.
Humihingi din sila ng palugit sa LTFRB dahil hindi nila kasalan kung hanggang ngayon ay hindi pa rin nakapagsusumite ang Provincial Planning Development Office ng Aklan sa regional office ng kanilang LPTRP.
Giit pa ni Igcasenza, sumusunod sila sa anumang patakaran o alituntuninn ng pamahalaan ngunit nagkakaroon pa rin ng problema dahil sa kakulangan ng ilang sangay ng gobyerno.