Aklan News
NAPAGKAMALANG KAAWAY, BINARIL NG KAIBIGANG LASING
Batan – Sugatan ang isang lalaki matapos umanong barilin ng lasing sa Lalab, Batan nang mapagkamalan umano niya itong kalaban.
Nakilala ang biktimang si Ernie Francisco, 46 anyos na nagtamo ng daplis na sugat sa kanyang ulo, at ang naarestong suspek na si Emard Protacio, 37 anyos, kapwa residente ng nasabing lugar.
Base sa imbestigasyon ng Batan PNP, nangyari bandang alas 2:00 kahapon ang insidente kung saan dumating doon ang suspek sa lugar ng biktima at bigla umano niya itong binaril.
Kaagad namang dinala sa ospital si Francisco, habang tumakas umano ang suspek at doon na naaresto sa Jalas, New Washington bandang alas 5:00 kahapon ng hapon.
Samantala, sinabi umano ng suspek sa mga pulis na may iba siyang nakadiskusyon tungkol sa pangingisda, subalit ang biktima na kanya rin palang kaibigan ang kanyang nabaril sa pag-aakalang iyon ang kanyang naka diskusyon.
Pansamantala namang nasa kustodiya ng Batan PNP ang suspek para sa karampatang disposisyon, subali’t hindi na narekober ang hindi na rin natukoy na kalibre ng baril na kanyang ginamit.