Aklan News
NASIRANG KALSADA DULOT NG FLASH FLOOD SA UNIDOS, NABAS, PASSABLE NA
Passable o maaari nang madaanan ang bahagi ng kalsada sa Unidos, Nabas na sinira ng flash flood bunsod ng malakas na pag-ulan kamakailan.
Ayon sa imbestigasyon ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO-Nabas), ang sanhi ng pagkabutas ng kalsada ay ang pagguho umano ng lumang tamburong o circular concrete pipe sa kalsada.
Umapaw umano ang tubig baha mula sa Sitio Musdak Creek at nagre-route papunta sa palayan hanggang sa highway, rasona naging dahilan upang bumigay ang tamburong at mabutas ang kalsada hanggang sa hindi na madaanan.
Dahil sa nasirang daan, ipinasara para sa mga sasakyan ang kalsada bago pansamantalang tinambakan.
Nakipag-ugnayan ang LGU Nabas sa mga kawani ng DPWH upang maaksyunan ang problema.
Sa ngayon ay maaari nang daanan ang bahagi na ito ng highway subalit nag-deploy pa rin si Nabas Mayor James Solanoy ng mga magbabantay dito upang masigurong hindi sabay-sabay na daraan ang mga malalaking sasakyan sa bahaging ito ng kalsada.
Samantala, nilinaw din ng MDRRMO na walang nangyaring sink hole sa kalsada, base na rin umano sa pagsusuri ng mga eksperto mula sa Mines and Geosciences Board na nagkataong naroon sa Buruanga.
Matatandaang nang dahil sa isang weather disturbance, walang tigil na bumuhos ang ulan simula alas 3:00 ng madaling araw hanggang alas 5:00 kaninang umaga. Nagdulot ito ng pagbaha sa nabanggit na lugar.