Connect with us

Aklan News

NBI, OTORISADO NANG MAG-IMBESTIGA SA MGA PEKENG RT-PCR RESULTS SA BORACAY ISLAND

Published

on

Malaki ang maitutulong ng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) ukol sa mga kaso ng mga gumagamit ng pekeng RT-PCR test results sa Boracay.

Ito ang pahayag ni general manager Natividad Bernardino ng Boracay Inter-Agency Rehabilitation Management Group sa panayam ng Radyo Todo kasunod ng inilabas na Department Order No.88 ni DOJ Secretary Menardo Guevarra na nagbibigay otoridad sa NBI na magsagawa ng imbestigasyon sa pamemeke ng RT-PCR test ng mga pumapasok sa isla.

Ayon kay Bernardino, humingi ng tulong sa Department of Justice (DOJ) si Governor Miraflores ukol dito sa pinakahuling BIATF nitong March 18, 2021.

Nabatid kasi na mayroon nang mahigit 100 indibidwal na nakapasok sa isla gamit ang mga pekeng dokumento dahil hirap ang Aklan sa pagdetermina kung totoo nga ba o peke ang mga RT-PCR, “Aklan has no way of finding out iyong mga fake na firm or individuals na nag-aalok ng mga test results.”

Palagay nito, may mga sindikato o grupo na nambibiktima rin ng mga turista na nais makapunta sa Boracay.
Sa katunayan ay biktima lang rin aniya ang ibang mga turista ng mga grupong ito kaya kailangan itong maimbestigahan.

Kaugnay nito, naghihintay pa ang Boracay ng anunsyo hinggil sa bagong quarantine measures sa NCR plus bubbles na siyang pangunahing pinagmumulan ng mga turista sa Boracay.

Sa pinakahuling datos ng Malay Tourism Office, nasa 1,217 lamang ang Boracay tourist arrival simula unang araw ng Abril hanggang Abril 25.