Aklan News
NCOV SCARE, MAY MALAKING IMPACT SA EKONOMIYA NG BORACAY
NAKIKITA ni Aklan Governor Florencio Miraflores na may malaking impact sa ekonomiya ng Aklan at Boracay island ang nangyayaring NCoV ARD scare.
Ayon kay Governor Miraflores, wala ng dumarating na maramihang Chinese sa Boracay island dahil suspendido na ang mga chartered flights galing China mula pa noong nakaraang linggo.
Ilang establisimyento na ng Chinese ang nagsara dahik dito.
Maging ang isang cruise ship na may sakay na mga European na dumating sa Boracay kamakailan ay hindi nila pinadaong dahil nanggaling ito sa Hong Kong.
Samantala, nilinaw din ng gobernador na ang mga Chinese na nasa isla pa ngayon ay marahil sumakay sa ilang domestic flights kung saan ang mga ito ay mahigpit namang minomonitor ng LGU Malay.
Nanawagan din si Miraflores na huwag namang pakitaan ng hindi magandang pagtrato ang mga ito dahil sila ay mga turista, walang sintoma ng virus at maaring makaalis na sa Sabado or Linggo.
Ang Chinese ay halos 25 porsyento ng dumarating na turista sa Boracay kung saan sila ang pinakamarami kung ikukumpara sa ibang nationality.
Sa kabila nito ay nanawagan ang gobernador sa mga Pinoy na ituloy ang pagbisita sa Boracay dahil tuloy pa naman ang turismo sa isla at walang kaso ng positibo sa NCoV ARD.
Sa katunayan aniya ay may mga Chartered flights pa na nagmumula sa South Korea at domestic market kung saan nakikita nyang pupupunan nito ang pagkawala ng Chinese market.
Ang Gobernador ng Aklan ay dumalo sa Regional Peace and Order Council meeting sa Iloilo kung saan tinalakay nila ang mga detalye ng paghahanda para mapigilan ang pagpasok sa rehiyon at paglaganap ng Novel Coronavirus Acute Respiratory Disease na nagmula sa China.