Aklan News
NEGATIVE RT-PCR TEST, REQUIRED PA RIN NGAYON SA MGA PUPUNTA NG BORACAY
Required pa rin sa ngayon ang negative RT-PCR test sa mga pupunta ng Boracay batay sa naging pahayag ni Malay Mayor Frolibar Bautista sa isang panayam kaninang umaga.
Aniya, magkakaroon pa sila ngayon ng pag-uusap ni Aklan Governor Florencio Miraflores at ng Inter-Agency Task Force ukol sa pagpapaluwag ng travel restrictions sa mga nais magbakasyon sa isla.
Nitong Pebrero 26, niluwagan na rin ng Malay ang curfew hours sa 1:00AM-4:00AM mula sa dating 11:00PM-4:00AM.
Kaugnay nito, ipinahayag ni Bautista na umaabot na ngayon sa mahigit 800 ang mga turistang bumibisita sa Boracay araw-araw.
Base sa tala ng Malay Municipal Tourism Office, mayroong kabuuang 16, 487 na mga turista na bumisita sa Boracay mula February 1-28, 2021.
Matatandaan na inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases ang pagpapatupad ng uniform travel protocols o mas maluwag na travel requirement para sa lahat ng local government units (LGUs).
Dahil dito, hindi na kailangang sumailalim sa COVID-19 testing maliban na lamang kung ipinatutupad ito nang pupuntahang LGU bago ang biyahe.