Aklan News
‘New Kalibo Public Library’ para sa mga kabataan at guro sa new normal, pasado na
Pasado na ang “New Kalibo Public Library Ordinance” na isinulong ni Councilor Phillip Yerro Kimpo para sa pag-digitize at paggawa ng makabagong aklatan na makakatulong sa mga kabataan at guro para sa new normal.
Sa ilalim ng nabanggit na ordinansa, magsisilbing free digital education hub at sentro ng contemporary arts and culture ang makabagong aklatan na bukas para sa lahat.
Ayon sa facebook post ni Kimpo na pangunahing author ng ordinansa, mag-e-expand ang library para sa bagong facilities, at para din sa “New Normal” protocols.
Magkakaroon din ang bagong pasilidad ng mga computer na libreng magagamit ng taumbayan, distance learning, tech-vocational courses at magandang internet connection.
Magtatalaga rin ng espasyo para sa Center of Contemporary Arts & Culture, bilang suporta sa sumisikip na Museo it Akean at gagawing tourist-worthy ang historic Capt. Gil Mijares Building na kung saan makikita ang Library.
Dagdag pa nito, gagawin nang digital ang catalogue ng aklatan at magsisilbing extension sa mga Barangay Learning Centers na itataguyod ng Sangguniang Bayan.
Kasama rin sa plano ang pagsulong ng “Aklatan Aklan” para ma-network ang iba’t-ibang library sa Aklan at makikipagtulungan sa Gregory Ilejay Castillo Library para sa digital archives ng Aklanon literary works.
Tutulong din ang mga librarian sa mga Kalibonhon na nais mag-apply ng ISBN, ISSN, ISMN at copyright para sa kanilang libro, magazine, kanta at iba pang akda.
Bukod pa rito, muling mag-e-expand ang Library sa ground floor sa oras na makalipat na ang Kalibo PNP sa bago at mas malaki nilang headquarters.