Aklan News
‘No booking, no entry’ policy, ipapatupad sa pagbubukas ng Boracay sa June 16
Kinumpirma ni Malay Mayor Frolibar Bautista ang pagbubukas ng Boracay sa mga turista mula sa Western Visayas sa darating na June 16.
Ayon kay Bautista, mahigpit na ipapatupad ang ‘No booking, no entry’ policy sa lahat ng mga nais bumisita sa isla kagaya ng naging sistema sa kasagsagan ng Boracay Closure.
Paliwanag ng alkalde, dapat magpakita ang mga turista ng confirmation voucher mula sa mga hotel o accommodations na may Certificate of Authority to Operate mula sa Department of Tourism (DOT).
Maliban dito, kailangan din na may ipakitang ID o patunay na sila ay taga Western Visayas.
Wala pang hotels sa ngayon ang nabigyan ng Certificate of Authority to Operate dahil kasalukuyan pa silang sumasailalim sa inspeksyon pero inaasahang sa Linggo ay maglalabas na ng listahan ng mga hotels ang Malay Inter-Agency Task Force.
Napagkasunduan din na 3 ang mga signatory sa CAO at ito ay sina DOT Regional Director Helen Catalbas, Aklan Governor Florencio Miraflores at Malay Mayor Frolibar Bautista.