Aklan News
NO FARE ADJUSTMENT SA FASTCRAFT NA BIYAHENG CATICLAN-BORACAY, NILINAW NG CBTMPC
NILINAW ni Godofredo Sadiasa, Chairman ng Caticlan‐Boracay Transport Multi‐Purpose Cooperative (CBTMPC) ang isyung hindi pa rin sila nagpapatupad ng fare adjustment sa kabila ng pinapayagan na ang full seating capacity matapos isailalim sa Alert Level 1 status ang lalawigan ng Akan.
Pahayag ni Sadiasa, bago pa man ang COVID-19 pandemic, nag-apply na sila na magkaroon ng increase sa pasahe mula P40 ay gawin itong P50.
Ang unang dahilan ayon kay Sadiasa kung bakit sila humiling ng taas-pasahe ay dahil sa biglang taas-presyo ng petrolyo.
Aniya, sunod-sunod ang pagtaas ng presyo sa merkado at halos 30 porsiyento ang itinaas ng presyo nito.
Pangalawa, humiling sila ng fare adjustment simula ng i-phase out ang kanilang wooden-hull banca at pinalitan ng fiber glass na fast craft.
Paliwanag ni Sadiasa ang ipinambili nila sa kanilang bagong fast craft ay inutang nila sa bangko dahil ang isang fiber glass fast craft ay nagkakahalaga na mahigit anim hanggang siyam na milyong piso.
Sa interest pa lamang na babayaran ayon kay Sadiasa ay halos patay na sila.
Pangatlo, kahit aniya nag-pandemya ay hindi siya nagtanggal ng kanyang tauhan dahil umaasa siyang darating itong panahon na muli silang makakabangon.
Samantala, inihayag nito na mayroong ibinibigay na discount card ang kanilang kooperatiba para sa mga Aklanon na nais maging P40 ang kanilang pamasahe.
Ang tanging kailangan lamang gawin ay magtungo sa kanilang opisina at sabihing nais magkaroon ng discount card at ang maganda dito ay walang requirements na kailangan.
Binigyaan-diin ni Sadiasa na ang hinihirit na P25 fare ay ang dating pamasahe pa, tatlong taon na ang nakakaraan.