Aklan News
“NO REGISTRATION, NO SWIMMING POLICY” PINAIIRAL SA BORACAY
Mahigpit na ipinaiiral ang “No registration, No swimming” policy sa mga residente na nais maligo sa isla ng Boracay ayon kay Malay Mayor Frolibar Bautista.
Sa ngayon ay islanders lang muna ang pinapayagang maligo sa isla dahil ang ilang lugar ay nakasailalim pa sa Enhanced Community Quarantine.
Ayon kay Bautista, ang mga taga mainland na papasok sa isla ay dapat magpakita ng booking confirmation mula sa hotel o resort na mayroong Certificate to Operate.
Ang mga negosyante na may mga establisimento sa Malay ay dapat makakuha ng Certificate to Operate mula sa LGU Malay at Department of Tourism (DOT) bago payagan na makapagbukas.
Ang mga dapat ma-comply para makakuha nito ay ang Mayor’s permit, business permit at dapat na masunod ang minimum health protocols na naka-align sa national guidelines ng DOT.
Dagdag pa ni Bautista, bumuo siya ng Compliant Team na magsisigurong na-comply ang mga kinakailangang requirements bago sila magbibigay ng Certificate to Operate.
Samantala, Aklanon workers lang muna ang papayagang makabalik sa Boracay.
Kailangan lang ng kanilang employer na makipag-coordinate sa PESO Malay para mailagay sa listahan ang kanilang staff na pwedeng makapasok sa isla.
Makikipag-coordinate rin ang PESO sa mga employers para mabigyan sila ng certification mula sa Mayor’s office.
Maliban dito, kailangan pa nila ng Certificate of Acceptance mula sa Punong Barangay ng kanilang destinasyon at Health Certification mula sa Local Health Office na kanilang panggagalingan.