Aklan News
‘No Take Policy’ laban sa illegal gambling, pinaigting ng Nabas PNP
Nagpahayag ng pagsuporta sa ‘No Take Policy’ ang hepe ng Nabas PNP kasunod ng mas pinaigting na kampanya ng Philippine National Police (PNP) kontra illegal gambling.
Sa ilalim ng ‘No Take Policy’, mahigpit na ipinagbabawal sa sinumang pulis ang pagtanggap ng lagay, pagdampot ng intelihensiya o ang masangkot sa lahat ng klase ng illegal gambling operations.
Ayon kay PMaj. Fidel Gentallan ng Nabas PNP, kaparte ng internal cleansing ang naturang polisiya at napagdesisyunan ito ng PNP dahil sa pagkakasangkot ng ilang mga pasaway na pulis sa mga illegal na gawain habang nasa serbisyo.
Kabilang umano sa mga illegal gambling ang Small Town Lottery (STL), illegal sabong, tong-its, at iba pang sugal na sangkot ang pera.
Umapela ng tulong si Gentallan sa publiko sa pamamagitan ng pagsumbong sa kapulisan o sa kanyang personal hotline na 09985986124 sakaling may kilala silang pulis na sangkot sa illegal na gawain.
Kamakailan lang ay ibinunyag ni Western Visayas Police Brigadier General Rene Pamuspusan na patuloy pa rin ang paglaganap ng illegal number games sa Aklan at nasa likod nito ang ilan sa mga dating pulis.