Aklan News
“NO VAXX , NO ENTRY” IPINAPATUPAD LAMANG NG LGU KALIBO SA KANILANG MGA EMPLEYADO
Nilinaw ni Mayor Emerson Lachica na ipinapatupad lamang nila ang ‘no vaccination, no entry’ policy sa mga empleyado ng Local Government Unit (LGU) – Kalibo.
Ayon kay Lachica, hindi nila ino-obliga ang mga taong pumapasok sa iba’t-ibang departamento ng LGU Kalibo na dapat bakunado bago makasagawa ng mga transaksyon.
Aniya, tanging ang mga empleyado lamang ng lokal na pamahalaan ang kaniyang ino-obliga dahil sila ay nagtatrabaho sa gobyerno.
Pahayag na ng alkalde, ang nasabing polisiya ay hindi rin ipinapatupad sa Kalibo Public Market at Kalibo Shopping Center.
Saad pa nito na wala naman umanong batas ang nagsasabing itsapwera na ang mga indibidwal na hindi pa nababakunahan laban sa COVID-19.
Sa halip na ipatupad ang naturang polisiya ay hinimok na lamang ng alkalde ang publiko na sumunod sa ipinapatupad na health protocols gaya ng pagsusuot ng facemask at social distancing.